BAGONG UMAGA
“Ano ang karapatan mong gumawa niyan?” Mapayapang unang araw ng Hunyo, ngayong Sabado, mga kapatid/mga kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ang Kapis-tahan ni San Justino, ang martir. Ito po si Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labing-isa, talata dalawampu’t pito hanggang tatlumpu’t tatlo.
Ebanghelyo: Marcos 11:27-33
Muling dumating sa Jerusalem si Jesus at ang kanyang mga alagad, at paglakad nya sa Templo, nilapitan siya ng mga Punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at nagtanong: “Ano ang karapatang mong gawin ang mga ito?” Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?” “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sasagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit kayo hindi naniniwala sa kanya?’ at paano naman nating masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay:
Sa Mabuting balita ngayon, tinanong ng mga guro ng Batas at ng Matatanda ng bayan si Jesus kung ano ang karapatan niyang gawin ang mga ito. Alam ni Jesus na gusto lang nilang siluin siya, kung anuman ang kanyang sagot, kaya’t siya rin ang nagtanong. Ang karapatan niya ay galing sa Ama, at dahil dito, hindi naman niya kailangang sagutin ang kanilang tanong.
Bilang Kristiyano, tinatawag din tayong magpatotoo kay Kristo, tulad ni San Justino. Ipinagtanggol niya ang pananampalatayang Kristiyano, gamit ang kanyang talino at lakas ng loob. Matapang siya, mahusay magsalita, determinado, at isinabuhay niya ang ebanghelyo. Hindi siya natakot sa kamatayan; natakot lamang siya sa pagpa-patuloy ng kamangmangan. Ang nag-aalab niyang hangarin ay magkaroon ng ganap na kaalaman ang lahat tungkol kay Jesukristong Panginoon at Diyos. Dahil dito, pinugutan siya at namatay noong panahon ng persecution noong ikalawang siglo.
Habang ipinagdiriwang natin ang kapistahan niya, tanungin natin ang ating sarili: paano ba tayo nagpapahayag ng Ebanghelyo sa ating mundong tuliro, at pilit na inilalayo kay Kristo?
PANALANGIN:
Panginoon, magkaroon nawa kami ng mas malalim na pagka-unawa sa Katotohanan, at lakas ng loob tulad ni San Justino, upang aming, maipahayag, malaman, at mahalin ng iba ang nakapagliligtas na mensahe ng Ebanghelyo. Amen.