Daughters of Saint Paul

Hunyo 3, 2024 – Lunes ng ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon | San Carlos Lwanga at mga Kasama, mga martir

BAGONG UMAGA

“Kapit lang, kapatid/kapanalig.” Mapayapang araw ng Lunes mga kapatid/mga kapanalig! Kapistahan po ngayon ni St. Charles Lwanga at kanyang mga kasamang martir. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. 

Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labindalawa, talata isa hanggang labindalawa. 

Ebanghelyo: MARCOS 12:1-12

Nagsimulang magsalita si Jesus sa talinghaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba. “Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At pinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan. “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya’t lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panukulang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang aking nakita.” Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinghagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.

Pagninilay:

Galing po sa panulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ano mang pait, ano mang lupit ang dinaranas natin, may liwanag at buhay itong kapalit. Batay ito sa kwento ng ating Hesus Maestro. Tungkol ito sa pagpaslang sa anak ng may-ari ng ubasan. Nakaramdam na ang may-ari ng bagsik ng kanyang mga kasamá, itinaya pa rin niya ang kanyang anak na tagapagmana. Nagbakasakali siya na iba ang magiging treatment nila sa kanyang anak. On the outside, looking in, mukhang mapurol ang strategy. Baka kung ikaw ang kaibigan ng may-ari ng ubasan, magcocomment ka ng: “Hello, friend! Only son mo, gagawin mong pambala?” Pero, nasusulat ang ganitong propesiya sa Aklat ng mga Salmo. ‘Kailangang may itatakwil para ito ang magsilbing batong panulukan’. Kahapon, di ba Solemnidad ng Katawan at Dugo ng ating Panginoon? Napagnilayan natin na ang Kanyang laman at dugo ang pundasyon ng ating Simbahan at ang pamantungan ng ating pagkatao. Kaya’t kung sirang-sira na ang ating loob dahil minamaltrato ka na, kumapit lang sa Batong panulukan. Dala Niya ang pangako na Liwanag at Buhay.