BAGONG UMAGA
Sa bibig nahuhuli ang isda. Mapayapang araw ng Martes mga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labinndawa, talata labintatlo hanggang labimpito.
Ebanghelyo:MARCOS 12:13–17
Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n’yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” “Ang Cesar.” “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Meron tayong kasabihang, “Äng isda ay sa bibig nahuhuli”. Kaya kapag may nasabi ang sino man na hindi nya dapat sabihin, kadalasan din nating naririnig ang, “Ay, nadulas ang dila”. Ganito ang pakay ng mga Pariseo at Herodiano kay Jesus kaya tinanong nila siya kung tama bang magbayad ng buwis o hindi. Gusto nilang hulihin sa bibig si Jesus. Nagbabakasakaling madulas ang dila nito at makahanap sila ng matibay na ebidensya laban sa kanya. Subalit Diyos si Jesus. Alam nya at natatarok niya ang tunay na nilalaman ng kanilang puso at kalooban. Batid ni Jesus ang maitim nilang layunin sa paglapit sa kanya. Kaya sa halip na sumagot ng oo o hindi humingi siya ng isang denaryo sa kanila. Ang mga nais humuli kay Jesus ang siyang nahuli. Kapanalig/kapatid, gaya ng mga Pariseo at Herodiano, hindi rin natin madadaya si Jesus. Alam niya ang ating mga pagkukunwari at tunay na layunin ng bawat kilos natin. Wala tayong maitatago sa Kanya. Pero kung minsan hinahayaan tayo ng Diyos sa ating mga pagkukunwari hanggang sa mapagod tayo at magdesisyong magpakatotoo. Kapanalig/kapatid, simple lang naman ang hiling ni Jesus. Ibigay sa pamahalaan ang para sa pamahalaan at ibigay sa Diyos ang para sa Diyos. Ano nga ba ang meron tayo na hindi galing sa Diyos? Unahin sana nating ibigay ang para sa Diyos at mahahanapan natin ng panahon ang lahat ng bagay sa ating buhay.