Daughters of Saint Paul

Hunyo 5, 2024 – Mierkules ng ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon | San Bonifacio, Obispo at martir

BAGONG UMAGA

Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Mabiyayang araw ng Mierkules mga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labinndawa, talata labingwalo hanggang dalawampu’t pito. 

Ebanghelyo: MARCOS 12:18-27

Lumapit kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay—kung mabubuhay silang muli—kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” At sumagot si Jesus: “Hindi kaya bunga ng hindi ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit. At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo ba inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanatang palumpong: “Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob”? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.” 

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Pumanaw ang aming Tatay noong August 20, 2013. Isa sa mga dahilan kung bakit hindi naging mabigat tanggaping wala na siya, ay ang katotohanang mas masakit makitang nahihirapan siya sa banig ng karamdaman. Ang pag-asa ko ay mas maganda ang patutunguhan ng Tatay sa kanyang paglisan. Mahalaga para sa ating mga Kristiyano na pagtibayin ang ganitong pananampalataya. Ang mga Saduseo sa ating pagbasa ay nagtanong kay Hesus kung kaninong asawa mapupunta ang babaeng nabalo. Lahat ng magkakapatid na napangasawa nito ay namatay. Kanino nga ba siya mapupunta sa muling pagkabuhay? Dito ipinapakita na hindi lubos ang pagkaunawa ng mga Saduseo. Sa muling pagkabuhay ay matutulad tayong lahat sa mga anghel. Harinawa! Mga kapanalig/mga kapatid/, ang paglalakbay natin dito sa mundo ay totoong pansamantala lamang. Ang tunay nating hantungan ay ang kaluwalhatian ng Diyos Ama. 

Panalangin:

Panginoong Hesus, patuloy po kaming tinuturuan at ginagabayan ng Simbahan upang mamuhay nang matuwid, at may matibay na pananampalataya. Marapatin po ninyo na sa inyong grasya at aming pagsisikap ay makamtan namin ang buhay na walang hanggan. Tulad ng mga anghel sa langit mapabilang nawa kami sa mga magpupuri sa Iyo. Amen.