BAGONG UMAGA
Iningatan lahat ito ni Maria sa kanyang puso. Mapayapang araw ng Sabado mga kapanalig/mga kapatid! Maligayang kapistahan ng Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Lucas kabanata dalawa, talata apatnapu’t isa hanggang limampu’t isa.
Ebanghelyo: Lucas 2,41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay:
Sinulat po ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Time to go home na, kaso nawala si Hesus sa mga mata ni Maria at Jose. Walang GPS tracker o Find My app noon, to show Jesus’ location. Kaya tatlong araw na naghanap sina Maria at Jose. Si Hesus naman, dahil nasa edad ng pagiging dynamic na kabataan, nag-enjoy Siyang makihalubilo sa kalipunan ng mga guro sa templo. Nang matagpuan ni Maria at Jose si Hesus, itinala ang unang binigkas na wika ng karunungan ni Hesus. “Hindi nga ba, dapat nasa tahanan ako ng aking Ama?” Doon na-confirm ni Maria. Ang Diyos Ama ang pinanggalingan ng kanyang Anak. Gampanin naman niya ang maging abang ina at lingkod. Iningatan niya sa kanyang puso ang katotohanang ito. Ngayong kapistahan ng Kalinis-linisang Puso ng ating Inang Maria, kilalanin natin ang pagtanggap ng puso ni Maria sa karunungan at katotohanan. Matatagpuan natin ito kay Hesus na kanyang mahal na Anak. Sa araw-araw na pagtanggap natin ng karunungan at katotohanan, maging mababa nawa at bukas ang ating puso. Kailangan din nating itong pag-ingatan at pagyamanin. Tulad ni Maria, nakasanayan na niya itong isabuhay at ibahagi sa lahat ng minamahal ng kanyang Anak.