BAGONG UMAGA
Nahihibang ka na ba? Mapagpalang araw ng Linggo mga kapanalig/mga kapatid!. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata tatlo, talata dalawampu isa hanggang tatlumpu’t lima.
Ebanghelyo: MARCOS 3:20-35
Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kaya’t hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.” May dumating naming mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinsabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinatawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kaharian iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi na muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ariarian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masasamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus. Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina na rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay:
“Alam mo ba kung ano ang gagawin nila sa iyo pagpasok mo sa kumbento? Aalilain ka nila at wala kang ibang gagawin kundi magkuskos ng baldosa!” “Naloloka ka na ba? Paano na ang lalaking nakatalagang mapangasawa mo?” “Hindi ka ba naaawa sa mga magulang at mga kapatid mo? Kaya mo ba silang iwanan na lang at sukat?” “Paano na ang mga pangarap mo?” Ilan lang po ito sa mga katanungan mula sa mga kamag-anak ko noong pumasok ako sa kumbento sa murang edad na dalawampu. Sa totoo lang, hindi ko po alam noon kung ano ang isasagot sa kanila. Marami sa mga agam-agam nila ay malayo sa katotohanan ng buhay sa kumbento. Normal at natural ang kanilang reaksiyon. Sa Ebanghelyo ngayon, hindi rin matanggap ng mga kamag-anak ni Jesus ang kanyang mga ginagawa kaya tinagurian nila siyang baliw. Marahil, talagang concerned lang sila sa kanya dahil hindi na nga siya makakain sa dami ng taong dumudulog sa kanya. O tulad ng mga eskriba ay hindi lang nila matanggap kung sino talaga si Jesus – ang Mesias ng Diyos! Ikaw kapatid, may mga tao ka bang iniiwasan, pinupuna o pinararatangan na baliw dahil hindi mo matanggap kung sino talaga sila? Buksan nawa natin ang ating puso’t diwa sa mga sorpresa ng Diyos upang mayakap natin ang biyayang nakalaan sa atin sa araw na ito. Amen.