Daughters of Saint Paul

Hunyo 20, 2024 – Huwebes sa ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon

BAGONG UMAGA

Alam ng Diyos ang nasa ating puso. Mapayapang araw ng Huwebes mga kapanalig/mga kapatid! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata anim, talata pito hanggang labinlima.

Ebanghelyo: Mateo 6,7-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.” 

Pagninilay:

Sinulat po ni Sr. Lourdes Ranara po ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. 

Sinasabing ang Ama Namin ang modelo ng mga panalangin dahil si Jesus mismo ang nagturo nito sa kanyang mga alagad. Pansinin natin ang format ng Ama Namin. Hindi ito puro hingi lamang sa Diyos. Nag-uumpisa ito sa pagsamba sa Diyos at hangaring sundin ang kanyang kalooban. Sa ikalawang bahagi lamang natin mababasa ang mga kahilingan tungkol sa ating pagkain sa araw-araw at kapatawaran sa ating nagawang kasalanan. Kapanalig/kapatid, ganito ka rin ba manalangin o hingi agad pagkatapos ng sign of the cross? Kung tutuusin, alam na ng Diyos ang ating hihilingin kahit hindi pa natin ito binibigkas. 

Naalala ko tuloy ang posts sa Facebook ng ilang magulang. Kapag sinipag tumulong sa gawaing bahay ang anak, kinakabahan na at iniisip na agad nila kung ano ang hihilingin ng anak. Wala pa ngang hinihingi ang anak, ramdam na agad ng magulang na may hihingin ito. Ganito rin marahil ang Diyos. Alam na nya ang nais nating hili-ngin kahit iniisip pa lamang natin ito. Kaya kung gusto nya itong ibigay sa atin, iniha-handa na niya ang lahat upang mangyari ito. Minsan akala natin nagkataon lang kasi sa unang dasal pa lamang natin, parang magic na andyan agad ang ating hiningi.