BAGONG UMAGA
Alin ang pipiliin mo? Mabiyayang araw ng Martes mga kapanalig/mga kapatid! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Tayo na pong magnilay sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata pito, talata anim, labindalawa hanggang labing-apat.
Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ng pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.”
Pagninilay:
May tatlong kasabihan o turo ang Mabuting Balita ngayon. Una, sinabi ni Hesus: “Huwag ibigay ang banal sa mga aso, o itapon ang perlas sa mga baboy, baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain.” Dito, pinapayuhan ni Hesus ang mga alagad na magdahan-dahan sa pagshare ng Mabuting Balita. Oo nga’t tinatawag ang lahat na sumunod kay Kristo, pero may mga taong hindi pa handang tanggapin ang mga turo niya. Hindi lang nila siya tatanggihan kundi kukutyain pa. Kailangan ng paghahanda, mahabang panahon ng formation at pag-aaral bago nila matanggap si Kristo. At dahil ito’y handog ng Panginoon, hindi natin mapipilit ang sino man.
Ang ikalawang turo ay tinatawag na Golden Rule: “Gawin ninyo sa iba ang gusto nin-yong gawin sa inyo.” Positibo ito at hindi lang ‘huwag gumawa ng masama sa iba.’
Sa ikatlong kasabihan, inihahambing ni Jesus ang makipot na pintuan sa malawak na daan. Sa malawak na daan, pwede mong sundin ang halos lahat ng gusto mong gawin: ang iyong instincts, kapricho, o bisyo kahit saan ka nila dalhin. Kasama rito ang kasakiman, pagka-makasarili, kasinungalingan, panlilinlang, pati na karahasan. Ang makipot na pintuan naman ay hindi pagiging makitid ang isip. Sa halip, ito’y pagkakaroon ng malinaw na gabay sa buhay, mga prinsipyo at values na nakaugat sa turo ni Kristo. Mahirap at challenging ang daang ito dahil kailangan ng disiplina at pagtalikod sa sarili. Ngunit sa malaon, nagiging mas madali, dahil umaayon ito sa pinakamalalim na pangangailangan at kagustuhan ng tao. Mahirap man, ang daan ni Jesus ang nagdadala sa tunay na kaligayahan at kaganapan sa buhay. Malawak man at madaling sundan ang daan ng walang disiplina, hindi ito nagdudulot ng tunay na kasiyahan. Alin ang pipiliin mo?