Daughters of Saint Paul

Hunyo 26, 2024 – Mierkules sa ika -12 Linggo sa Karaniwang panahon | San Jose Maria Escriva

BAGONG UMAGA

“Tinatawag ka na maging propeta.” Magandang araw ng Mierkules mga kapanalig/mga kapatid! Kapistahan po ngayon ni San Jose Maria Escriva. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata pito, talata labinlima hanggang dalawampu.

Ebanghelyo: Mateo 7:15-20

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga lobo naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. 

May mga taong magaling magsalita pero hindi naman nakikita sa gawa o sa nila buhay ang kanilang sinasabi. Katulad sila ng mga bulaang propeta na tinutukoy ni Hesus sa Mabuting Balita na narinig natin ngayon.

Kapanalig/kapatid, ang pagiging propeta ay hindi lamang tumutukoy sa mga propeta na nasa Biblia. Tayo rin ay tinatawag na maging propeta sa ating panahon ngayon, anuman ang ating estado sa buhay – pari, madre, may asawa man o wala. Dahil tayo ay mga binyagang Kristiyano, tayo ay nakikibahagi sa prophetic ministry ng ating Panginoong Hesukristo. Pero ang pagiging propeta natin ay nagiging totoo lamang kung ang ating pananalita ay ayon sa ating prinsipyo at tumutugma sa ating pamumuhay.

Sa ating lipunan sa panahon ngayon, marami tayong tinatawag na modern-day prophets na hindi natatakot o nangingiming magsalita para matulungan ang mga maliliit at kapus-palad. Minsan, sila ay naha-harass dahil sa kanilang pagtatama sa maling palakad ng mga nasa kapangyarihan. Meron ding nagbubuwis ng buhay dahil dito. Kahanga-hanga ang kanilang paninindigan at prinsipyo dahil isinasabuhay nila nang buong puso at katapatan ang propetang ministeryo ng isang Kristiyanong binyagan.

Nawa’y maging propeta tayong lahat – na magdadala ng liwanag, pag-ibig, at kapayapaan sa bawat isa at sa lipunang ating ginagalawan sa pamamagitan ng ating salita at buhay.