Daughters of Saint Paul

Hunyo 28, 2024 – Biernes sa ika -12 Linggo sa Karaniwang panahon | San Ireneo, Obispo, pantas ng simbahan at martir 

BAGONG UMAGA

“Kung ibig mo!” Mapagpalang araw ng Biernes mga kapatid/mga kapanalig! Ginugunita po natin ngayon ang kapistahan ni San Ireneo, Obispo at Pantas ng Simbahan. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata walo, talata isa hanggang apat. 

Ebanghelyo: MATEO 8:1-4

Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumusunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang mayketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” At sinabi ni Jesus: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kaninuman kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa ebanghelyong ating narinig, pinagaling ni Jesus ang isang ketongin, na walang karapatang tinatamasa tulad ng ibang mamamayan. Sa panahong iyon, ang taong may sakit na ketong ay outcast. Hindi kasali. Marumi. Pinandidirihan. Pero ang taong ito na lumapit kay Jesus ay pinagaling niya. Naniniwala ang may sakit na ito na pagagalingin siya ni Jesus. “Panginoon, kung ibig mo, ay malilinis mo ako.’ At siya nga ay pinagaling ng naaayon sa kalooban ni Jesus. Ayaw ni Jesus na may nakahiwalay at malayo sa kanya, na hindi tanggap ng simbahan at lipunan. Sa pagmamahal ng ating Panginoon, ang lahat ay kasali. Ang lahat ay nais niyang bigyang pansin. Ang lahat ay iniimbita at tinatanggap sa kanyang presensya. Gusto ng Panginoon na lagi niya tayong kasama. Kung may pakiramdam tayo na malayo ang Diyos, ang totoo ay tayo ang lumalayo sa kanya. Busy, nagtatampo, nahihiya, may iniisip na sa ating palagay ay mas importante, may mas higit na pagkakakitaan o kaya naman may tinatakasan. Kung babalikan natin ang ebanghelyo, ang ketongin ang mismong lumapit at lumuhod sa harapan niya, kahit ang ganito ay ipinagbabawal. Buo ang pananalig niya na pagagalingin siya ni Jesus nang sa gayon ay makakabalik siya sa lipunan. Mga kapatid, katulad ng ketongin, huwag tayong mangamba na lumapit sa ating Panginoon. Laging handa ang Panginoong Jesus na tanggapin tayo, yakapin, palakasin ang loob, pagalingin. Ano man ang ating pinagdadaanan, tayo ay nasa kanyang puso. Manalig lamang tayo sa kanya.

(Sa synodality, nais ng simbahan na ang lahat ay kasali, sama-samang naglalakbay na bayan ng Diyos. Ang bawat isa ay inaanyayahan na maging palagay ang loob o at home sa simbahan na kung saan may makikinig sa kuwento ng kanyang buhay, sa kanyang pagdurusa at galak, at simbahan na magbibigay sa kanya ng pag-asa. Tayo na kapatid, lumapit tayo Sa Panginoon.)