Daughters of Saint Paul

Hulyo 2, 2024 – Martes sa Ika-13 Linggo ng Taon

Ebanghelyo: Mt 8:23–27

Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Gemma Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Naranasan mo na bang malunod? Ano ang una mong sigaw? “Lord, save me” o “ Lord, I surrender”? Minsan, pinaglaruan ako ng mga alon. Pabalik-balik akong hinihila at hinahampas. Sisinghap-singhap ako noon. Pumasok na sa bibig ko, pati sa tainga ang buhangin. Lupaypay na ako. Nakita ko na ang sarili ko na lumulutang papataas sa loob ng isang tunnel hanggang may naramdaman akong may humugot sa kamay ko pabalik. Tanda ko na matibay ang kamay. Hinila niya ako hanggang makarating ako sa dalampasigan. Bumalik ang alaala kong iyon nang mabasa ko ang Mabuting Balita ngayon. Isinuko ko na ang sarili ko sa Panginoon. Conscious ako na sinabi ko: “Do what it pleases you, Lord.” Kaya, humiwalay na ang kaluluwa ko noon sa aking katawan. Isinuko ko na ang lahat. Pero, ibinalik ako ng Panginoon. Kay daming uri ng  pagkalunod ang nagaganap sa atin. Noong World Youth Day last year sa Lisbon, Portugal, sinabi ni Pope Francis na marami sa atin ngayon ang nawawalan ng pag-asa, maging sa nakatatanda at kabataan. Nalulungkot daw siya na marami sa ating mga kapatid ang mahigpit sa pagkapit sa desperasyon, depresyon, at matinding takot. Gawa ito ng digmaan, marahas na pakikipag-away, bullying, pang-aapi, pagsasamantala, at iba pang uri ng pagpapahirap. Lunod na. Give-up na. Kapatid, may pagkakaiba ang sumusuko sa isinusuko. Sumusuko sa buhay dahil bumibitiw na. Isinusuko ang buhay dahil isinasa-kamay na ito sa Diyos. Ang Diyos ang gumalaw para sa akin kaya’t nagawa kong isuko ang kalooban ko sa Kanya. Kapatid, in case na ibig mong sumigaw ngayon ng “Lord, save me!” gawin mong hindi selfish at hindi demanding. Kundi magsumamo na puno ng pag-asa at pananampalataya.