Daughters of Saint Paul

Hulyo 4, 2024 – Huwebes – Sta. Isabel ng Potugal

Ebanghelyo: Mt 9:1–8

Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi.

Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara  ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon.

Sa Mabuting Balita ngayon nakita ni Jesus ang pananampalataya ng naglapit sa Kanya ng paralitiko kaya nya ito pinagaling. Ikaw kapatid, meron ka na rin bang nailapit kay Jesus? Marami ang nagpapadasal sa aming mga madre. Iba’t iba ang kanilang mga kahilingan sa Diyos. Hindi man namin sila pisikal na nadadala palapit kay Jesus, sambit naman namin sa aming mga dasal ang kanilang mga pangalan at intensyon upang ilapit sa Diyos. Pansinin natin na hindi lamang ang pisikal na karamdaman ang pinagaling ni Jesus. Pinagaling din ni Jesus ang kaluluwa ng paralitiko nang igawad nya ang kapatawaran ng mga kasalanan nito. Buong pagkatao ng paralitiko ang pinagaling ni Jesus at nangyari ito sa tulong ng mga nagdala sa kanya palapit kay Jesus. Kapatid, ito rin ang inaasahan ni Jesus sa atin – ang hanapin at ilapit sa Kanya ang mga naguguluhan at naliligaw ng landas, ang pinanghihinaan ng loob dahil sa karamdaman, problema at patung-patong na mga kasalanan. Kung masumpungan mo sila, huwag mo sanang sayangin ang oportunidad na ibinibigay sa iyo ng Diyos na maging tulay ng kanilang paglapit at pagbabalik-loob sa Diyos.

Panalangin:

Panginoon, buksan mo po ang aming mga mata at puso sa paghihirap ng aming kapwa. Bigyan nyo po kami ng lakas ng loob na tanggapin ang iyong hamon na maging tulay kami upang ilapit sa iyo ang aming kapwang naguguluhan, pinanghihinaan na ng loob at natutuksong gumawa ng masama. Maging liwanag sana kami sa madilim na landas at aliw sa mundong puno ng pagdurusa dahil ng kasakiman at pagka-makasarili ng iilan. Amen.