Daughters of Saint Paul

Hulyo 5, 2024 – Biyernes – San Antonio Maria Zacarias

Ebanghelyo: Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si  Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasalo ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Tayong lahat ay nilikha ng Diyos ayon sa kanyang larawan, at pinagkalooban niya ng mga biyayang ating kinakailangan para mamuhay nang naaayon sa kanyang kalooban. Pero may mga taong sinusunod lamang ang kanilang sariling kagustuhan at namumuhay ng ayon sa kanilang kalooban. Wala silang pakialam kung wala sa tamang direksiyon ang takbo ng buhay nila, o nagiging sanhi ng iskandalo sa ibang tao ang kanilang ginagawa. Pero sa kabila ng ating pagkakamali o nagawang kasalanan, ang awa at pagmamahal ng Diyos sa atin ay nananatili at ‘di nagbabago. Samantalang tayo, mapagtanim ng galit, hinanakit, palasumbat, at mabilis manghusga sa kapwa. Sa Mabuting Balita na ating narinig ngayon, hinusgahan ng mga Pariseo si Hesus dahil kumain siya sa bahay ni Mateo na isang maniningil ng buwis at makasalanan. Pero ang sagot ni Hesus: naparito siya sa mundo upang hilumin ang maysakit at tawagin sa kanya ang makasalanan. Kapatid, lahat tayo ay makasalanan sa mata ng Diyos. Gayunpaman, hindi nagbabago ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Hindi Siya tumitigil sa pagmamahal sa atin kahit na tayo ang pinakamasamang tao sa mundo. Patuloy niya tayong mamahalin at bibigyan ng maraming pagkakataon na baguhin ang ating buhay. Nawa’y tanggapin natin nang may mapagpakumbabang puso ang pag-ibig at pagpapatawad na iniaalok sa atin ng Diyos.