Ebanghelyo: Mt 9:14-17
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Nilinaw na kahit sa Lumang Tipan ang tema ng pag-aayuno. Sa aklat ni Propeta Joel, matatagpuan ang pag-aayunong ninanais ng Panginoon, “Gayunman,” sabi ni Yahweh, “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin; mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Pag-aayunong may kasamang taos-pusong pagsisisi. Paano? Hindi lamang sa paglaktaw ng pagkain ng isang full meal katulad ng ginagawa natin tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo. Ang pag-aayuno’y pagsusuri din sa kaibuturan ng ating puso, ng ating mga gawi, kilos at pananalita, pakikipag-ugnayan, reaksyon sa tukso, at mga desisyon sa buhay. Ano naman ang saysay ng ating pag-aayuno kung hindi naman maayos ang ating pakikitungo sa ating pamilya, kasambahay, katrabaho, kapitbahay o mga kasama sa simbahan? Ano ang halaga ng pag-aayuno kung wala namang pagbabago sa ating pag-uugali, pakikisama o pananaw sa buhay? Walang kabuluhan ang pag-aayunong walang kasamang taimtim na pagsusuri sa ating gawi, at pagsisikap na magbago. Mga kapatid, ngayon na ang tamang panahon upang tunay na mag-ayuno sa pagiging makasarili, kawalan ng malasakit, kasakiman, poot, inggit, pakikipag-away, panlilinlang, tsismis, at lahat ng kasamaan. Magtiwala tayo sa kapangyarihan ng Panginoon. Tutulungan niya tayong matutong manumbalik sa kanya sa pamagitang ng pag-aayunong may taos-pusong pagsisisi, anuman ang ating nakaraan. Nais ng Panginoong baguhin at pagpalain tayo, ngayon at magpakailanman.