Daughters of Saint Paul

Hulyo 8, 2024 – Lunes – sa Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 9:18-26

Habang nagsasalita si Jesus sa mga tao, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.

Pagninilay:

Labindalawang taon nang dinudugo ang babae at dahil dito, itinuturing siyang hindi malinis at hindi siya pwedeng makihalubilo sa mga tao. Nabalitaan niyang may isang rabbi na nagpapagaling. Desperado na siya, kaya’t palihim siyang sumunod patungo kay Jesus. Hinipo niya ang laylayan ng damit ni Jesus na nag-iisip: “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Sa lahat ng himala at pagpapagaling ni Jesus, ito ang kakaiba – kasi, parang ninakaw ng babae ang himala – naramdaman na lang ni Jesus na lumabas ang kapangyarihan sa kanya, kaya’t lumingon siya. Nakita niya ang babae at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko. Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Tayo rin ay may iba’t ibang matagal nang iniindang sakit: sa katawan, sa ating kalooban, sa ating kaluluwa. Minsan, tayo’y alipin ng takot, ng masamang bisyo, ng poot, ng inggit o ng kasalanan. Maglakas-loob tayong lumapit nang may pananalig kay Jesus – hinding-hindi niya tayo tatalikuran, kailanman. At tulad ng babae sa Mabuting Balita ngayon, baka ikaw rin ay makasungkit ng himala!