Ebanghelyo: Mt 10:24-33
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Hindi higit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ihayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Bilang tagasunod ni Kristo, hindi maiiwasan na makaranas tayo ng mga kahirapan, pang-uusig, o hindi pagtanggap sa atin ng ibang tao sa kabila ng mga kabutihang ating ginagawa sa kapwa. Ayon sa Mabuting Balita na narinig natin, “ang mag-aaral ay hindi higit sa guro, o ang alipin ay hindi higit sa kanyang panginoon.” Ito ay isang paalaala sa atin na ang buhay Kristiyano ay demanding at challenging dahil kinakailangan tayong mamuhay nang malapit at naaayon sa pamumuhay ni Kristo. Siyempre, hindi natin mapapantayan ang buhay ng Panginoon. Pero bilang mga followers niya, hinahamon tayong isabuhay ang kanyang mga halimbawa. Kaya nga, kung makaranas man tayo ng pang-uusig dahil sa ating pagsasabuhay ng gospel values, alalahanin nating isang tanda ito na sumusunod tayo sa mga yapak ng Panginoon. Dumarating ang pang-uusig sa atin sa iba’t ibang paraan. Minsan ito’y lantaran at pisikal, minsan naman ay emotional at psychological. Pero sa kabila ng mga problema at iba pang kahirapan na nararanasan natin sa buhay, hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Sa halip, hayaan nating ang mga salita ni Hesus ang magsilbing ilaw na tatanglaw sa ating landas, at gabay na magdadala sa atin sa tamang direksiyon.