Daughters of Saint Paul

Hulyo 17, 2024 – Miyerkules sa ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. 

Masayang nakikipag-usap si Hesus sa Kanyang Ama sa Ebanghelyo. Nagpapasalamat siya sa pagpili sa mga simple at mapagkumbaba, na bukas-loob tanggapin ang kanyang karunungan at presensya. Sa pagbasa kahapon, nalungkot at nadismaya si Hesus dahil matitigas ang ulo ng mga taga-Corazin, Betsaida at Capernaum, hindi sila nagsisi, at hindi nila siya tinanggap. Sa pagsulong ngayon ng agham at teknolohiya, nagiging mas malawak ang pananaw ng mga tao, nagiging mas makabago at malikhain. Sa pamamagitan ng isang click sa internet, marami ka nang impormasyong makukuha kaya’t nagiging mas matalino, marunong at makapangyarihan ang mga tao.

Hindi masama ang maging matalino at marunong. Nagkaka-problema lang kapag dahil sa maraming kaalaman ng isang tao, nagiging mapagmataas, mayabang at hindi na siya nakikinig sa iba. Kailangan natin ng ibang antas ng karunungan upang maunawaan ang ating pananampalataya, ang ating paniniwala at ang pagsasabuhay nito upang maging isang tunay na Kristiyano. Hinahamon tayo ngayon na magkaroon ng pusong tulad ng isang bata: bukas, mapagpakumbaba, handang makinig, at tanggapin ang mga turo ng Panginoon hanggang sa katapusan ng panahon. Nawa’y pagyamanin ng karunungan ni Hesus ang ating kaalaman at katalinuhan, upang tayo’y lumago at makipag-kapwa ayon sa Kanyang kalooban.