Ebanghelyo: Mt 12:1-8
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Para sa mga Pariseo, napakahalaga ng araw ng Sabat. Hindi dapat nagtatrabaho ang mga tao dahil araw ito ng pamamahinga na nilalaan para sa Panginoon. Subalit, nakita ng mga Pariseo ang mga alagad ng Panginoong Hesus nang alisin nila sa uhay ang mga butil at kainin iyon. Ipinagbabawal ito sa araw ng Sabat. Isinisi nila sa Panginoong Hesus ang paglabag sa Batas ng mga alagad Niya. Mga kapatid, hindi kinilala ng mga Pariseo ang Panginoong Hesus na Anak ng Diyos. Hindi nila naunawaan na ang presensya ng ating Panginoong Hesus ay higit sa anu-mang batas. Na mas mahalaga ang Panginoong Hesus sa anumang batas. Kung kinilala lamang nila ang Panginoong Hesus, mauunawaan nila na ang Batas ng Diyos ay awa at habag. Sa Mabuting Balita ngayon, ipinaaalam na may higit na dakila pa kaysa sa templo: ang Anak ng Diyos na hindi nila kinilala ay Panginoon ng Sabat; at mas mahalaga ang habag kaysa sa hain. Harinawang turuan tayo ng Banal sa Espiritu upang kilalanin at tanggapin ang Panginoong Hesus bilang Anak ng Diyos Ama. Amen.