Ebanghelyo: Mt 12:46-50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Jesus nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Minsan may nagtanong sa akin, “Sister, sumama kaya ang loob ni Mama Mary kasi mukhang hindi sila pinansin ni Jesus at sinabi pa niya na “ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid”? Naisip ko grabe naman ang imagination ng batang ito. Ibinalik ko sa kanya ang tanong, “Bakit, nakakasama ba ng loob ang sinabi ni Jesus na ang sumusunod sa kalooban ng kanyang Ama ang kanyang ina at kapatid?” Mga kapatid, kung merong taong tunay na isinabuhay ang pagsunod sa kalooban ng Ama, yun ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Noong tinanggap niya ang pagiging ina ni Jesus, sigurado akong pinagpiestahan siya ng mga Marites sa Nazareth. Akalain mo ba namang nauna nang lumaki ang tiyan niya eh hindi pa sila nagsasama ni Jose. Aba, at ano itong may anghel daw na nagpakita sa kanya? Sa gitna ng lahat nang ito, nagawa pa ni Mariang puntahan ang kanyang Ate Isabel upang alalayan ito sa kanyang pagbubuntis at panganganak. Opo, mga kapatid, hindi natinag ang Mahal na Ina. Sa pagsunod at sa paggawa ng kalooban ng Ama lamang nakatuon ang buong buhay niya simula sa pagbalita ng Anghel na Gabriel na siya ang magiging ina ni Jesus hanggang sa pagkamatay ni Jesus sa krus. Siya na rin ang tumayong ina ng mga alagad at kasama nilang naghintay sa pagbaba ng Espiritu Santo. Sumama kaya ang loob ng Mahal na Birhen sa kanyang anak? Sa lahat ng panahon, buo ang pananalig ni Maria na si Jesus na kanyang anak, ang Panginoong nagliligtas. Ang salita, gawa at buong pag-iral ni Jesus ay nakasentro sa layunin ng Ama, ang kaligtasan ng malaking pamilya ng Diyos. Tunay na pinagpala tayong mga itinuring na anak ng Diyos! Sa ating pagsunod sa kalooban ng ating Ama sa langit, tulad ni Maria, tayo nga ang pamilya ni Jesus.