Daughters of Saint Paul

Hulyo 24, 2024 – Miyerkules – St. Sharbel Makhluf

Ebanghelyo: Mt 13:1–9

Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik.
“Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon.  “Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay. 

Hindi daw tunay na magsasaka ang manghahasik sa ating ebanghelyo ngayong araw. Kung ikaw daw ay mabuting magsasaka, hindi ba’t sisiguraduhin mong maayos muna ang lupa bago lagyan ng mga binhi? Kakaiba ang ating Diyos. Ang Manghahasik, ang Diyos, bilang siya ay patuloy na mapagbigay, at hindi nanghihinayang. Yung pag-ibig niya ay ganun na lamang kalawak, kadami, tulad ng mga butil—walang sawang inihahasik sa pusong manhid, mabato, matinik, o mabuti. Kaya nga kahit sa matinik, tumutubo pa din, kahit na sa mabato, basta’t may kaunting lupa, tutubo pa din. Ang tunay na puso ng bawat tao ay mabuting lupa. Nagiging mabato, matinik, masemento ito dahilan na rin sa kasalanan at katigasan. Harinawa matuto tayong araruhin ang ating pagmamatigas upang sa paghasik ng Diyos ng butil ng kanyang pag-ibig at salita, tuluyan itong tumubo’t mamunga sa ating puso. 

Panalangin:

O Diyos na walang sawang naghahasik ng pag-ibig at salitang sa ami’y bumubuhay, kaawaan po Ninyo kami. Sa tulong ng inyong awa at pagkamahabagin, tulungan po Ninyo kaming alisin ang bawat balakid na nakapatong sa mabuting lupa ng aming puso. Ang mga bato ng aming pagmamatigas, ang mga tinik ng aming pagsalahawahan—upang tuluyan kaming mamunga nang ayon sa iyong dakilang kalooban. Lagi nawa naming masdan ang Mahal na Birhen Maria na siyang modelo ng pusong Dalisay at Mabuti. Amen.