Daughters of Saint Paul

Hulyo 26, 2024 –  Biyernes – San Joaquin at Sta. Ana, magulang ng mahal na Birheng Maria

Ebanghelyo: Mt 13:18-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Makinig kayo ngayon sa talinghaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ng salita. Ang buto namang nahasik sa matatabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Bro. Eugene Leaño  ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.

Mga kapatid, kapistahan ngayon nina Sts. Joachim at Anne, ang mga magulang ng ating mahal na Inang Maria. Kaya naman sa tingin ko ay may isa pang mensahe ang ating Mabuting Balita. Ipinagdiriwang natin sina Sts. Joachim at Anne dahil sa kanilang naging mabuting pagpapalaki kay Maria, kaya naman lumaki si Maria na naaayon sa kalooban ng Diyos. Sina Sts. Joachim at Anne ay parang matabang lupa na tinamnan ng Diyos ng isang binhi – si Maria – at dahil sa katabaan ng lupa sa pananampalataya ay lumaking malusog at matatag sa grasya si Maria. Marahil, ito ang hamon at mensahe ng Diyos para sa mga magulang. Kailangang maging parang matabang lupa na puno ng sustansya ang isang magulang para mapagyabong at mapag-unlad nito ang anumang binhi na itatanim dito. Dapat maging siksik at puno ng pananampalataya at may malalim na relasyon sa Diyos ang isang magulang para ang mga anak ay lumaking sagana sa bunga ng grasya – 30 times, 60 times, and 100 times more!