Daughters of Saint Paul

Hulyo 28, 2024 – ika-17 na Linggo sa Karaniwang Panahon at martir 

Ebanghelyo: Jn 6:1-15

Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad niya; malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam na niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon at sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin n’yo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.

Pagninilay:

Mula sa limang tinapay at dalawang isda na ibinigay ng isang batang lalaki, napakain ni Jesus ang mahigit na limanlibong mga tao. At may lumabis pa na pumuno ng labindalawang basket. Maraming itinuturo ang Mabuting Balita sa atin ngayon. Gaya ng batang lalaking nagbahagi ng baon niya, anuman ang ating kakayahan at kayamanan, gaano man ito kaliit, ay mapagyayaman ng Diyos upang makatulong sa iba. Dahil walang imposible sa Diyos. Kailangan lang na kumilos tayo at maging generous, at huwag lang umasa at maghihintay ng biyaya. At kung may lumabis pa, huwag natin itong sayangin para makatulong pa rin sa mas nakararami. Kapatid, anong biyaya ang baon mo na pwede mong ibahagi sa ating kapwang gutom at uhaw sa pag-ibig at paglingap?