Daughters of Saint Paul

Hulyo 29, 2024 – Lunes – Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro

Ebanghelyo: Jn 11: 19-27

Pagninilay:

Meron ka bang BFF? Yung kaibigan o mga kaibigan na at home ka dahil tanggap nila kung sino ka? Enjoy ka kapag kasama mo sila, di ba? Nakakatuwa silang kasama, kasi kahit masaya o seryoso ang usapan, malaya mong nasasabi kung ano ang nasa loob mo. Malapit na kaibigan ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. Mababasa natin ito sa apat na Ebanghelyo. Oo, mga disipulo sila ni Jesus, pero madalas silang bisitahin ni Jesus, kumain sila nang sama-sama at nagkuwentuhan.

Si Maria ang naghugas sa paa ni Jesus ng kanyang luha at pinunasan ito ng mamahaling langis ng kanyang buhok. Si Marta naman ang abalang naghanda ng kakainin nila habang umupo si Maria sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanya. Nang mamatay si Lazaro, umiyak si Jesus, kaya’t nasabi ng mga Hudyo na talagang mahal niya si Lazaro. Nagbabalak na noon ang mga pinuno ng mga Hudyo na patayin si Hesus pero hindi niya inalintana ang panganib sa pagpunta niya sa libingan ni Lazaro. Binuhay niyang muli si Lazaro na kanyang minamahal na kaibigan. Ito ang naging huling mitsa para ituloy ng mga Hudyo ang maitim nilang balak. Ipinapakita ni Hesus na mahalaga ang friendship, ang pakikipagkaibigan. Tanggap niya ang pagkakaiba ng mga katangian ng magkakapatid, at minahal niya sila. Kahit na gaano siya ka-busy, binigyan niya ng panahong makasama ang kanyang mga kaibigan. Pinahalagahan niya ang relationships at ipinakita niyang kailangan natin ang isa’t isa upang maging ganap ang ating pagkatao. Ikaw, kapatid, may panahon ka ba para sa iyong mga kaibigan? Handa ka rin bang ialay ang iyong buhay para sa kanila tulad ni Jesus?