Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 2, 2024 – Biyernes sa Ika-17 sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MATEO 13,54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Pagninilay:

May nagsasabi na familiarity breeds contempt. Bakit? Dahil minsan nawawala na ang respeto at paggalang sa tao. Subalit kailangan din naman na makilala nang mainam ang isang tao bago pumasok sa isang relasyon. 

Noong panahon ng ating Panginoong Hesus, nahirapang tanggapin ng mga kakilala ni Hesus na siya ang Mesias at Anak ng Diyos. “Paanong magiging ang Mesias si Hesus eh kakilala nila ang mga magulang niyang sina Jose at Maria. Mga ordinaryong tao at pamilya lang sila, at karpintero lang si Jose. Ito ba ang pagmumulan ng Mesias?”

Mahirap naman talagang paniwalaan, di ba? O baka naman may ibang pinangga-galingan ang kanilang pagdududa?

Kapanalig/Kapatid, mapalad tayo dahil sa pamamagitan ng ating mga magulang, lolo at lola, tiyuhin at tiyahin, o mga guro at katekista, ay nakilala natin si Jesus na ating Manunubos, at napabilang tayo sa mga ampon na anak ng Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos sa dakilang biyaya ng pananampalataya. 

Pero handa ba tayong tanggapin ang isang kakilala o kaibigan na nagtatagumpay? Pwede ba tayong maging masaya para sa kanya? Huwag sana nating hayaang maghari ang inggit at selos sa ating puso. Bagkus, buksan nawa natin ang ating buong kalooban sa paggalaw ng Espiritu Santo kaninuman, manalig sa kanya nang lubusan, at tanggapin ang kapwa nang may pagmamahal. Amen.