Daughters of Saint Paul

Agosto 7, 2024 – Miyerkules ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | San Cayetano, pari

Ebanghelyo: MATEO 15,21-28

Pumunta si Hesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Hesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw s’ya nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Hesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

Pagninilay:

Ang nanay sa ating Mabuting Balita ngayong araw ay isang Cananea. Siya’y nakasalubong ni Hesus noong dumaraan sila sa rehiyon ng Tiro at Sidon, kaya’t may mga naniniwalang marahil may kaya o nakakaangat-angat sa buhay ang babaeng Cananea. Hinamak ng mga alagad ni Jesus ang babae dahil isa siyang Hentil. Naniniwala sila na kahit ang “presensya” lamang ng mga Hentil ay sapat na upang maituring silang marumi (cf. Jn 18:28). Ngunit dahil sa kababaang-loob, pananampalataya at pagpupursige ng babae, dininig ni Hesus ang kanyang hiling at gumaling ang kanyang anak. Ngayong araw, itinuturo ng Cananeang Babae na hindi natin dapat ipagmalaki ang ating mabubuting gawa at mga debosyon sa tuwing dudulog tayo ng awa at kahilingan sa Panginoon. Akala kasi natin minsan mas banal tayo kaysa sa iba dahil sa ating mahahabang nobena. O kaya naman ay katangi-tangi tayo dahil sa ating maraming organisadong programa sa pagpapakain, mga donasyon na ibinibigay sa mga mahihirap, at sa simbahan.  Sana lagi nating tandaan na kapag tayo’y nagsusumamo sa Diyos upang hingin ang biyaya at awa niya, wala tayong ibang kailangan kundi ang pusong nanampalataya at mapagpakumbaba—pusong laging kumikilala sa Diyos—na kung wala siya, wala din tayo…sapagkat sa kanya tayo lubos na umaasa. 

Panalangin:

Panginoon, bigyan mo nawa ako ng sapat na lakas upang mas kumapit sa iyo sa oras na higit kitang kailangan. Nababatid po naming kami’y walang-wala, kung hindi kami nakaasa sa iyong awa’t pagmamahal. Mapagsumikapan nawa naming laging dumulog at umugnay sa Iyo. Dahil, kahit ano man ang hamon ng buhay, kung ikaw ang aming kasama’t kalakbay, ano pa ba ang hindi namin mapagtatagumpayan? Amen.