Daughters of Saint Paul

Agosto 8, 2024 – Huwebes | Paggunita kay Santo Domingo, pari

Ebanghelyo: Mateo 16,13-23

Pumunta si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sa iyo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit. Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon ipinaalam ni Hesukristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem; pahihirapan siya ng mga matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari, at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon. Hindi ito puwede!” Ngunit hinarap ni Hesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” 

Pagninilay:

Napakinggan natin sa ating pagbasa ngayon na ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus ang susi ng kaharian ng langit kay San Pedro. Binigyan siya ng liwanag at pang-unawa upang kilalanin niya na si Hesus ang hinihintay na Mesias. Subalit narinig din natin sa pagbasa na hindi naging madali kay San Pedro ang pagtanggap kay Hesus bilang Mesias na magdurusa. Hindi niya agad naunawaan kung bakit kailangang magdanas ng hirap si Hesus na hahantung sa kamatayan. Mga kapanalig/kapatid, mahirap tanggapin na may mga pagsubok at hadlang sa pagsisikap nating abutin ang ating mga pangarap. Kaya’t kailangang pagtibayin ang ating pananampalataya at lagi tayong tumawag at manalangin sa Panginoong Hesus. Kung may susi ng kalangitan na ipinagkatiwala kay San Pedro, may susi rin ang ating puso at isipan upang lagi natin itong buksan, para sa pagtalima at pagsunod sa Panginoong Hesus.