Ebanghelyo: Mateo 18,1-5, 10, 12-14
Lumapit kay Hesus ang mga alagad at tinanong nila s’ya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.” “Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”
Pagninilay:
Habang tumatanda tayo mas nag-iiba ang ating kilos at pag-uugali. Given po iyon. Kaya nga mahirap ding makarinig nang “tingnan mo ‘to parang bata, walang pinagkatandaan.” Ang mga bata kasi ay “heavily dependent” lalo na sa mga nakatatanda sa kanila. Pero, habang lumalaki ang bata sinusubukan at marapat din na maging “independent” sa paggalaw at ilang mga bagay. Maligong mag-isa, lumakad nang mag-isa, magdesisyong mag-isa. Kaya nga’t kahit ang paggawa ng mabuti ay depende sa kung paano pinalaki ang isang bata, pati na rin ang kanyang pagkilala sa Diyos at sa pananampalataya. Ngayong araw, sinasabi ni Hesus na tumulad tayo sa isang bata. Maraming pwedeng ipunto at sabihin. Pero, nais ko pong bigyang pansin natin ang iisang bagay—yung kagustuhan ng mga batang lumapit kay Hesus! Sa ating pagtanda, paglaki, kung minsan at madalas nga, yung paglapit na ito ang lagi nating nalilimutan. Kumbaga, last option natin ang paglapit sa Diyos. Ngayong araw, hayaan natin maging malaya ang ating puso na tulad ng mga bata, muli tayong manabik at lapitan ang Panginoong Hesus na siyang nag-aalok ng kanyang pagpapatawad at pagmamahal magpakailanman. Amen.