Daughters of Saint Paul

Agosto 18, 2024 – Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ebanghelyo: Juan 6:51-58

Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.” Nagtalu-talo kong gayon ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at ibabangon ko siya sa huling araw. Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa  akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.

Pagninilay:

Meron ka rin bang comfort food o paboritong pagkain? Sa ebanghelyo natin ngayon, merong ihinahaing pagkain si Hesus. Mas higit pa ito sa masarap na comfort food na pansamantalang nagtatanggal ng stress o gutom, o sa masustansiyang pagkain na tumutulong sa pagpapatibay ng katawang pisikal. Sana maging paborito nating lahat ang pagkaing ito, na kailangan sa paglago ng ating kaluluwa—ang Tinapay ng Buhay, ang Katawan ni Kristo. At ayon mismo kay Hesus sa ebanghelyo, kung sino man ang kumakain nitong Tinapay ng Buhay ay hindi magugutom, at magagantimpalaan din ng buhay na walang hanggan. Mga kapanalig/kapatid, ito ang naghihintay na biyaya sa tuwing tayo ay nagsisimba. Ang pagdalo sa Banal na Misa ay hindi lamang isang hamak na tradisyon na ipinamana sa atin ng mga nakatatanda. Kundi, ang Banal na Paghahaing ito ay isang pagkakataon na tanggapin ang Katawan ng Panginoon Hesukristo. Sa pagtanggap natin nito nagiging kabahagi ng ating buhay ang Diyos. Isang napakalaking biyaya at natatanging pribilehiyo ito na nangangailangan ng ating malalim at matatag na pananampalataya. Kaya sa Banal na Komunyon, hindi “salamat” ang ating dapat itugon kapag nariririnig natin sa pari o ministro ang mga salitang, “Ang Katawan ni Kristo”. Talaga namang dapat ipagpasalamat sa Diyos ang biyayang handog na Tinapay ng Buhay. Subalit ang pagtugon ng malakas na “Amen” ay pagpapatunay ng ating buong-pusong pagtanggap at pananalig na totoong Katawan ni Kristo—ang Tinapay ng Buhay—ang ating kakainin. Binubuksan natin ang ating kalooban upang maging kabahagi si Hesus ng ating katawan at pamumuhay. Nang sa gayon, magiging kasangkapan din tayo ng pag-ibig ng Diyos sa mundong ating ginagalawan, lalong-lalo na sa ating kapwa. Amen.