Ebanghelyo: Mateo 20,1-16
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay:
Ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa isang may-ari ng lupa na umupa ng mga manggagawa para magtrabaho sa kanyang ubasan. Nagkasundo sila sa isang ‘denarius’ para sa isang araw na suweldo. Tinanggap niya sila sa ikatlong oras, ikaanim, ikasiyam at ikalabing-isang oras, nang makita niyang wala silang ginagawa. Pero nagreklamo ang mga nauna nang tanggapin ang sahod nila kinagabihan. Ang desisyon ng may-ari ng lupa na bayaran ang lahat ng mga manggagawa nang pantay-pantay ay dahil sa kanyang kabutihang-loob at hindi sa kawalan ng katarungan. Kumakatawan siya sa Diyos na ibinabahagi nang sagana ang biyaya at awa sa lahat. Ibinibigay niya ang kaligtasan sa mga makasarili at makasalanan. Sapat ang Kanyang biyaya upang tubusin ang lahat ng naniniwala, tumawag man ang Diyos nang maaga o huli sa buhay ng tao. Kung paanong may karapatang gawin ng may-ari ng lupa kung ano ang gusto niya sa kanyang sariling pera, gayon din may karapatan ang Diyos na maawa sa kanyang mga pinapaboran. Gaano man katagal at gaano man naghirap ang isang mananampalataya sa kanyang buhay, pareho ang gantimpala ng buhay na walang hanggan – isang walang-hanggang kaligayahan sa langit sa piling ng ama at ng Panginoong Hesukristo. Magrereklamo ka pa ba?