Daughters of Saint Paul

Agosto 28, 2024 – Huwebes sa Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) |Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: MATEO 23,27-32

At sinabi ni Hesus: “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno.

Pagninilay:

Naalala ko ang tanawin sa sementeryo tuwing All Saints Day at All Souls Day habang binabasa ko ang ating Mabuting Balita ngayon. Ang linis ng mga puntod, bago at naggagandahan ang mga pintura subalit alam naman natin na sa loob nito ay puno ng mga buto ng patay o nabubulok na katawan ng tao. Kung gaano ito kaganda sa labas, gayon naman kabulok ang nasa loob nito. Sa ganito inihambing ni Jesus ang mga mapagbalatkayong Pariseo at Eskriba sa ating Mabuting Balita ngayon. Ani Jesus, “Sa labas ay nagkukunwari kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit sa loob ay puno kayo ng pagbabalatkayo at kabuktutan”. Ano nga ba ang pagbabalatkayo at kabuktutan ng mga Pariseo at Eskriba na ikinagagalit ni Jesus? Self-righteousness, judgmental attitude at inconsistency! ‘Yon bang feeling nila sila lang ang mabuti at kalugod-lugod sa mata ng Diyos. Nilalait at minamaliit nila ang mga taong hindi nila kauri. Hinuhusgahan nila ang kanilang kapwa ayon sa kanilang standards. Nakalimutan nila na alagad lamang sila. Hindi sila Diyos. Diyos lamang ang may karapatang humusga sa atin dahil tanging Diyos lamang ang nakatatarok ng ating puso at kalooban. At panghuli, alam ni Jesus ang napakaraming inconsistency sa kanilang mga patakaran. Kaya ang hamon sa atin: Be consistent with our words and actions. Kung babasahin natin ang galit na mga pahayag ni Jesus bago ang binasa natin ngayon, mula sa verse 13 hanggang verse 26, makikita natin ang napakaraming inconsistency sa kanilang patakaran sa templo. Kapag pabor sa mga pariseo at eskriba, pwedeng-pwede subalit kung hindi pabor sa kapakanan nila ay sasabihin nilang walang kabuluhan. Kapanalig, tandaan natin, ayaw ni Jesus sa taong self-righteous, judgmental at inconsistent. Unahin muna nating gawin ang anumang nais nating ipagawa sa ating kapwa.