Daughters of Saint Paul

Agosto 29, 2024 – Biyernes sa Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista,  ang Tagapagbinyag, Martir

Ebanghelyo: Marcos 6,17-29 

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo pwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin, pero hindi niya magawa. Iginagalang ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon nga ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes, nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao sa Galilea. Pagkapasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingiin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo sa akin agad ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin si Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

Pagninilay:

Ano’ng order mo? Si Salome, isang dalaga, nag-order ng ulo. Ulo ni Juan Bautista na nakalagay sa bandehado. Kanino nanggaling ang kanyang naging desisyon? Sa kanyang ina. Death penalty ang husga ng ina kay Juan Bautista dahil pilit siyang itinatama kasama ni Herodes sa kasalanan nilang pangangalunya. Pinapugutan ang nagsasabi ng katotohanan. Gusto bang magpahiya? Gustong manakot sa mga sumasalungat sa kanilang kapritso? Isang fresh young lady na binulok niya ang sariling pagkatao dahil sa bulok niyang pag-iisip at pagpapasya. Malamang marami nang nai-inject na maling values kay Salome ang kanyang ina bago pa man naganap ang party. Kakaiba ito sa famous song na “Girl in the mirror”. May nabubuong lakas-loob ang girl dahil sa kanyang ina. Kahit na ano ang nangyari, naging maganda ang pananaw ng kabataang babae tungkol sa  kanyang pagkatao sa harap ng mirror. Nagdesisyon siya na manatili sa kung sino siya originally. Kapanalig, may dalawang faculties ang ating kaluluwa. Ang pag-iisip at ang kalooban. Ang pag-iisip ay ang pang-unawa base sa kung ano ang nakita o nararanasan. Ang kalooban naman ay ang pagpapasya. Nagdadala ng impormasyon ang pag-iisip sa kalooban at ang kalooban ang nagdi-decide ng kanyang pagkilos. Kung ang kaalaman natin ay iniiniksyunan ng bad information, nauuwi ito sa simbuyo ng damdamin. Sa pag-iisip nahuhubog ang kunsensya. Ito ang kakayanang makakutob ng tama at mali. Mula sa Salita ng Diyos, sa Katesismo at mga mabubuting aral ng mga nakakatanda, matututo tayong humarap sa mirror ng ating kunsensya. Ma-rerealize natin ang kahalagahan ng ating pagkatao at mabubusog ang ating pang-unawa na gagabay sa ating desisyon at aksyon.