Daughters of Saint Paul

Agosto 30, 2024 – Sabado sa Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon | San Ramon Nonato

Ebanghelyo: Mateo 25,1-13

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang mga matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

Pagninilay: 

Napakalinaw ng gustong iparating ng ating Mabuting Balita ngayong araw. Sigurado ako na paulit-ulit niyo na itong narinig dahil isa ito sa mga sikat na parabula ng ating Panginoon. Pero kung ating pipilosopohin ang ating Mabuting Balita, pwede nating tanungin, “Eh bakit hindi na lang magtabi-tabi yung sampung kababaihan? Bakit kailangan lahat sila ay may sariling lampara? Pwede naman na silang tumabi na lang doon sa may ilaw para pati sila ay makakita sa liwanag.” Ngunit sa tingin ko, may sariling kahulugan ang lampara. Ang lampara kasi, nagbibigay liwanag hindi lang sa may hawak nito kundi pati sa mga nakapaligid dito. Kaya naman ito ang mensahe ng lampara: hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng ating buhay, dapat nakapagbibigay tayo ng liwanag sa ibang tao. Ito ang liwanag ng pag-ibig, na nakikita sa ating pagtulong at pag-akay sa kapwa. Ito ang lamparang titingnan ng Diyos sa dulo ng ating buhay kung mayroon ba tayong ilaw o wala.