Ebanghelyo: Mateo 25,14-30
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’
Pagninilay:
Naalala ko yung kanta nung catechism class namin sa elementary: “Why has God made us? We know God has made us to know Him, to love Him, to serve Him each day.” May layunin ang Diyos sa paglikha sa atin – ang makilala siya, ang mahalin siya at paglingkuran siya. Binigyan niya tayo ng mga talento, kakayahan at kayamanan upang mamuhay nang masaya at mas ganap, at makasama siya sa langit. Binigyan niya tayo ng pamilya, edukasyon, karanasan, posisyon sa lipunan, atbp… upang maging mabunga. Ang mga biyayang ito ang tutulong sa atin na harapin ang mga pagsubok at hamon sa araw-araw. At binigyan din niya tayo ng kalayaang gamitin ang mga kaloob na ito upang maging responsableng katiwala: na mangangalaga sa mga kaloob at pagyayamin ang mga ito para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ikabubuti ng lahat. Sa Ebanghelyo ngayon, ang dalawang masipag na lingkod ay tapat sa pagbibigay ng accounting ng mga kinita nila, samantalang ang tamad na lingkod na naglibing sa kayamanan ay pinarusahan. Kapatid/Kapanalig, sa pagtatapos ng araw, tinatanong ba natin ang ating sarili kung ginamit natin ang mga talento at kaloob na binigay sa atin ng Diyos? Inaasahan niya na maging produktibo tayo, na magsikap tayong palaguin ang kanyang mga handog. Huwag sana nating balewalain ang ating mga talents, bagkus ay pagyamanin at gamitin ang mga ito upang maging mabunga, at makatulong sa ating kapwa.