Daughters of Saint Paul

Setyembre 1, 2024 – Linggo Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23

Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng mga kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang mga labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin: kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapuwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”

Pagninilay:

Mga kapanalig, may kasabihan tayong Cleanliness is next to Godliness. Para sa ating mga Pinoy, mahalaga ang pagpapanatiling malinis ng ating katawan na tanda din ng pag-iingat ng ating kalusugan at hygiene. Hindi sumasalungat sa kaisipang ito si Hesus. (Nauunawaan niya ang halaga ng kalinisan lalo na para sa kalusugan. Nais niya na laliman pa natin ang ating pag-unawa sa kalinisan at ang papaimbabaw na ipinakikitang kalinisan ng nakararami.) Pero, Higit sa panlabas na kalinisan, nais ni Hesus na pagyamanin natin ang panloob na kalinisan (o sa madaling sabi, ang ating kabanalan. Oo, masunurin tayo. Sinusunod natin ang lahat ng sampung utos at ang mga obligasyon ng isang mananampalataya, ngunit malayo naman sa Diyos ang ating puso. Ano ang saysay nito? )

Mga kapanalig, bagama’t mahalaga ang pagsunod sa mga tradisyon, sa mga alituntunin ng lipunan, lalo na sa mga utos ng Diyos, higit na mahalaga pa rin para kay Hesus ang tunay na nilalaman ng ating puso. Mahalaga ang puso dahil ito ang kanlungan ng tunay na kalinisan at kabanalan. Tandaan, kung puno ng hinanakit at galit ang pusong ito, tiyak mamumutawi sa mga labi ang gayun ding galit at hinanakit. Kung nababalot ng sama ng loob, piho, ganoon din ang mamamalas. Ngunit kung dalisay na kabutihan, pagpapatawad, pag-uunawa, kahinahunan, pagmamahal – makatitiyak kang aapaw ang tunay na kalinisan at kabanalan mula sa pusong nagsisikap tularan ang puso ng Diyos. Ito ang paanyaya ni Hesus sa atin bilang kanyang mga alagad – ang magkaroon ng isang tunay na pananalig mula sa dalisay na pusong umiibig na marubdob ang pagnanais na maging ganap at banal.  Amen.