Daughters of Saint Paul

Ebanghelyo: Lucas 4, 16-30

Pagdating ni Hesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Hesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Hesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’. Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding tag-gutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.

Pagninilay:

“Sumainyo ang Panginoon.” Limang beses inuulit ng pari ang mga katagang ito sa misa. At automatic tayong sumasagot ng “At sumainyo rin.” Pero alam ba natin kung ano talaga ang ibig sabihin nito? At kung saan ito galing?

Bawat bahagi po ng Santa Misa ay nakaugat sa Biblia. Ang “Sumaiyo ang Panginoon” sa Biblia ay karaniwang ipinatutungkol sa mga taong pinili ng Diyos para sa isang malaking misyon. Sinabi ito ng anghel kay Gideon, isang ordinaryong tao mula sa pinakamaliit na tribo ng Israel para mamuno nito. Narinig din ito ni Joshua na tinawag upang pamunuan ang mga tao papunta sa Lupang Pangako pagkamatay si Moises. At ito rin ang pagbati ng Anghel san Gabriel sa Mahal na Birheng Maria, “Aba, puno ka ng grasya. Sumasaiyo ang Panginoon.”

Sa Mabuting Balita natin ngayon, si Kristo mismo ang nagsabi na “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon.” Pagkatapos ay inilahad niya ang kanyang misyon.

Kapatid/Kapanalig, “Sumasaiyo ang Panginoon.” Makapangyarihan at mabisa ang mga katagang ito. Ibig sabihin ay may gustong gawin ang Diyos sa iyong buhay. Hindi ito nakasalalay sa iyong lakas o mga kakayahan o karunungan. Kapag dumarating ka sa Misa, may gustong gawin ang Diyos sa iyong puso kaya’t limang beses niya itong pinapaalala sa iyo.

Kapatid/Kapanalig, may plano ang Diyos para sa iyo at walang ibang makagagawa nito kundi ikaw lang. Sinusugo ka niya na gawin ang misyon mo sa iyong pamilya, sa iyong trabaho, sa mundong iyong ginagalawan mo. Humayo ka.