Daughters of Saint Paul

Setyembre 3, 2024 – Martes | Paggunita sa Dakilang Papa San Gregorio, pantas ng Simbahan

Ebanghelyo:  Lucas 4, 31-37

Bumaba si Hesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.

Pagninilay:

Narinig natin na isang lalaki ang inaalihan ng masamang espiritu. Nakilala ng demonyo na si Hesus ang Banal ng Diyos: sumigaw siya nang malakas at sinabihan si Hesus na layuan Niya sila. Inutusan sila ni Hesus na tumahimik at lumabas sa taong iyon. Inilugmok nila ang lalaki at iniwan. Nagulat ang mga taong nakasaksi at hindi sila makapaniwala sa kapangyarihan ni Hesus.

Kapanalig, May mga karanasan marahil tayo na kahit anong buti ng ating ginagawa, may mga taong ang makikita ay ang ating kahinaan. Hindi sila makapaniwala na may mabuti tayong nagagawa. Kaya mahalagang magkaroon tayo ng paninindigan na gawin ang mabuti, at huwag hayaang ma-kondisyon tayo sa kung ano ang sasabihan ng iba. Kasi, kahit na totoong mabuti ang lahat ng nilikha ng Diyos, lalaging may kabutihan at kahinaan ang tao. Nasa atin ang desisyon kung ano ang ating isasabuhay. Halimbawa, kung ang kaliwa nating kamay ang ating kahinaan, sa panalangin at tulong ng Banal na Espiritu ay pangibabawin natin ang kabutihan ng ating kanang kamay. Gawin nating layunin ang pag-uusisa ng ating konsensya upang hindi tayo mahulog sa tukso ng pagkakamali at kahinaan. Ipanalangin natin, sa tulong ni St. Gregory the Great, na maging matatag tayo laban sa mga tukso at maging bukas-loob tayong magbahagi sa mga taong naghihirap. Amen.