Ebanghelyo: Lucas 4, 38-44
Pag-alis ni Hesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Hesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila. Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Hesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay:
Kapanalig, paano mo sinusuklian ang kabutihan sa iyo ng Diyos? Sa ating Mabuting Balita ngayon, binigyan tayo ng isang halimbawa ng biyenan ni Pedro kung paano natin masusuklian ang kabutihan ng Diyos. Hindi man ito sapat dahil walang kapantay ang kabutihan ng Diyos, tiyak namang ikalulugod nya na ito. Narinig natin na nang mapagaling ni Jesus ang biyenan ni Pedro, naglingkod ito sa kanila. Noong nakikipamuhay pa si Jesus dito sa lupa, nagpagaling sya ng maraming may karamdaman, pangkatawang man ito o pangkaluluwa. Sa ating panahon ngayon, marami pa rin ang nangangailangan ng pagkalinga ni Jesus. Kapanalig, baka ikaw ang napili ni Jesus na maging paa nya upang dalawin ang isang maysakit, o kaya nama’y
napili ka upang maging tenga at puso ni Jesus upang makinig at umunawa sa kapwang may mabigat na problema. Kung nabiyayaan ka ng Diyos, huwag mo sanang ipagkait na maging instrumento ka ng Diyos upang mabiyayaan nya rin ang iba. Baka ikaw ang sagot sa dasal ng isang nangangailangan ng tulong ng Diyos. It’s time to pay it forward.
Ang Pay it Forward ay pelikula tungkol sa isang batang gumawa ng kabutihan. Hindi sya naghihintay ng kapalit, sa halip sinabihan nya ang natulungan na gumawa rin ng kabutihan sa iba. Ang gandang isipin na ang ating mumunting kabutihan sa kapwa ay maaring lumikha ng ripple effect. Kung ang lahat siguro ng nakaranas ng pagpapala ng Diyos ay susuklian ito sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa, mas masaya siguro ang ating mundo at pag-ibig lamang ang laman ng ating mga puso.