Daughters of Saint Paul

Setyembre 5, 2024 – Huwebes | Huwebes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Lucas 5,1-11

Dinagsa si Hesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Hesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Hesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

Pagninilay:

(Bigong nilinis ng mga batikang mangingisda ang kanilang lambat matapos ang magdamagang pangingisdang nauwi sa wala. Si Jesus naman ay nakiupo sa bangka ni Simon, nag-request pa talaga na ilayo ito nang kaunti mula sa baybayin at nangaral. Maya-maya pa, sinabi kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Hindi maitago ni Simon ang pagkadismaya sa naranasang pagkapagod na walang huli ni isa.
“Opo,” tumalima si Simon nang may pananalig sa salita ni Jesus. Sa Mabuting Balita narinig natin ang pagbuhos ng pagpapala dahil sa kanyang pagtalima.)
*September 10, 1946 noon, lulan siya ng tren nang marinig ni Sr. Teresa ang daing ni Jesus: ang matinding sakit na kanyang nararanasan dahil sa kawalang-malasakit sa mga kapus-palad. Tinawag ni Jesus si Sta. Teresa ng Calcutta upang maglingkod sa mga pinakamahihirap sa mahihirap. Pagtalimang may pananalig kay Jesus ang tugon ni Sta. Teresa kahit walang humpay na pagsubok ang hinarap niya. Sa araw na ito, dalawamput pitong taon na ang nakakaraan, siya ay matagumpay na umakyat sa kaharian ng ating Ama sa langit matapos magtatag ng 610 foundations ng Missionaries of Charity Sisters, Brothers, Contemplative Sisters, Contemplative Brothers, at Fathers sa isang daan at dalawampu’t tatlong bansa sa buong mundo.
Dakilang pagpapala ang bunga ng pagtalimang may pananalig sa salita ni Jesus. Nawa’y katulad ni San Pedro at ni Sta. Teresa, papurihan natin ang Dios sa pagtalima natin nang may pananalig, sa lahat ng pagkakataon at panahon, maging maginhawa man o hindi.
Kapanalig, saan ka tinatawag ni Jesus ngayon? Sa pagbabalik loob? sa pagpapakumbaba? sa pagpapatawad? Hinihintay Niya ang iyong tugon.