Daughters of Saint Paul

Setyembre 24, 2024 – Martes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:  Lucas 8:19-21

Pinuntahan si Hesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at imga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa mga salita ng Diyos at nag sasagawa nito. Sila ang aking ina at aking mga kapatid.”

Pagninilay:

Sa isang maliit na bayan, magkakalilala ang mga magkapit-bahay. Noong mga bata pa kami, tanda ko na kapag ang Nanay ay nagluto ng ginataang mustasa galing sa aming garden, asahan na uutusan niya akong magdala ng gulay sa ilang kapitbahay namin. At kung ang kapitbahay naman namin ay nakaluto na rin, mayroon din akong iuuwi na pagkain galing sa kanila.

Mga kapanalig/kapatid, sa pagbasa ay narinig nating sinabi ng ating Panginoong Hesus na ang kanyang ina at mga kapatid ay yaong nakikinig ng Kanyang mga salita at nagsasagawa nito. Syempre, kilala ng mga kapitbahay ng Panginoong Hesus ang kanyang pamilya: si Jose na karaniwang karpintero at si Maria na orinaryong Ina ni Hesus. Noong panahon nila tinatawag na mga kapanalig Niya ang kanyang kamag-anak. Dito ay binigyang-diin ng Panginoong Hesus ang kahalagahan ng pakikinig ng kanyang Salita at ang nagsasagawa nito ay kanyang Ina at pamilya.

Harinawang sa ating araw- araw na pagbabasa o pagsubaybay natin sa Mabuting Balita ay maisabuhay natin ang ipinagagawa ng Panginoong Hesus, at maipalaganap din natin ito bilang Kanyang pamilya. Amen.