Daughters of Saint Paul

Setyembre 25, 2024 – Miyerkules ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:  Lucas 9, 1-6

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo n’ya sila para ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi n’ya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalawang bihisan. Sa alinmang bahay kayo makituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.

Pagninilay:

“Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad…” (Lk 9:3). Naalala ko ang kwento ng mga unang madreng ipinadala ni Blessed Alberione sa misyon. Sinasabing wala silang dala maliban sa breviary na ginagamit sa pagdarasal at marahil konting damit. Bakit nga ba ganito ang bilin ni Jesus sa kanyang mga alagad noong isinugo nya sila? Travel light ika nga. Marahil nais ni Jesus na maranasan ng Kanyang mga alagad ang pagpapala ng Diyos, na hindi siya nagpapabaya sa pagkakaloob ng mga panga-ngailangan ng sinumang nagpapahayag ng Mabuting Balita.

Kapatid/Kapanalig, mararanasan lamang natin ang tuwa ng pagiging bukas-palad ng ating kapwa at Divine Providence sa mga panahong walang-wala tayo. Maraming beses ko itong naranasan sa aming pagmimisyon lalo na ‘yong tinatawag naming home to home visitation and evangelization. Hindi kami nagutom kahit kailan, kahit wala kaming baon, at walang tiyak na kakainan ng pananghalian. Minsan nga inabutan kami ng tanghali sa bahay ng kasapi sa ibang relihiyon. Nang malaman ng maybahay na hindi pa kami nananghali ay pinatuloy kami at pinakain. Simple lang ang kanyang inihain subalit laking tuwa na namin dahil kahit iba ang relihiyon niya ay kinasangkapan siya ng Diyos upang huwag magutom ang kanyang mga misyonera. God provides. Manalig at magtiwala lang tayo.

Additional:

It is in our poverty that we can truly experience God’s generosity through others. And, it is our humility to accept our need for God that Divine providence can come in abundance.

Manalangin tayo: Panginoon, tulungan mo kaming magtiwala sa iyo sa lahat ng panahon at pagkakataon. Huwag sana kaming igupo ng pag-aalala sa mga panahong kinakapos kami sa aming mga pangangailangan. Bagkus, manatili nawa kaming matatag sa aming pananampalataya na hindi mo kami pababayaan kailanman. Amen.