Daughters of Saint Paul

Oktubre 3, 2024 – Huwebes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: LUCAS 10,1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

Pagninilay:

Sasama ka ba? Oo, sa harvest festival.  Hitik ang mga bunga at maraming aanihin. Sa amin sa Nueva Ecija, ang anihan ang isa sa pinakamasayang panahon.  Sama-samang umaani, nagkakaisa at nakikipagtulungan. Sa anihan, may tinatawag na magkaka-tuwang sa tungkulin. Tulad sa ating Simbahan. Mas maligayang maglingkod kapag magkakatuwang sa mga pananagutan, may pakikilahok, nakikiisa, at nagdadamayan sa ministry. Dito rin tayo nag-gogrow together. Ito ang intensyon ni Pope Francis ngayong Oktubre na patuloy na magtaguyod ng buhay-sinodal ang mga pari, mga relihiyoso at mga layko.  Mahalaga ito para tumibay ang ugnayan, at lumaganap ang misyon ng ating Simbahan. Sana rin tulad sa aming dasal bilang Paulines na to obtain vocations, mapuno ang mga convents at seminaryo ng mga kabataan na hitik sa talento, sigla at sigasig. Dumami nawa ang mahikayat sa bokasyong pagpapari at pagmamadre. Hayaan n’yo akong matawag itong Harvest Festival dahil sa bawat pagkampay namin ng aming kamay sa pagpupuri sa Diyos, bigkas din namin ang Salmo ng Pagpapatawad.  Awit din namin ang himno ng pagdadamayan, pananagutan, pag-aalay ng sarili bilang Kongregasyon ng mga itinalaga ng Diyos sa Kanya.  Maging tunay na festival nawa ang pag-ani namin ng kabutihang loob sa bawat isa at paghikayat sa kapwa ng pamamahal sa Diyos.