Daughters of Saint Paul

Oktubre 8, 2024 – Martes ng Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Lucas 10,38-42

Pumasok si Hesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

Pagninilay:

Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako. Sa mga situwasyon na ganito, kung tayo ay nasa handaan, nagpapasalamat tayo sa taong naghanda, nag-asikaso, nagluto. Nasisiyahan tayo. Pero iba ang isinagot ng Panginoon kay Marta? “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay. Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kaniya.” Ibig bang sabihin nito ay binabale wala ni Jesus ang ginagawa ni Marta? Hindi po. Subalit mukhang ang nakabahala kay Jesus ay ang nais ni Marta na itigil ni Maria ang pakikinig kay Hesus, iwanan ito at maging abala sa gawaing bahay. Tinutukoy ni Jesus ang relasyon ni Maria, at nating lahat, sa kanya na ating Panginoon. Ano ang ating priority? Kasama ba si Jesus sa ating mga plano, gawain, communication, relationships, mga problema? O araw-araw na lang tayong abala sa maraming bagay at nakakaligtaan na si Jesus ang sentro ng lahat ng ating gawain? Ang pagharap at pakikinig ni Maria kay Jesus ay isang panalangin, relationship with God. Sa katahimikan, nakikinig tayo sa sinasabi sa atin ni Jesus. Nakikilala natin siya at nagkakaroon tayo ng gabay at liwanag kung ano ang kanyang kalooban para sa atin. Sa pagdarasal, binibigyan niya tayo ng lakas, pag-asa at gabay. Kaya tayo nagiging matatag sa mga pagsubok sa buhay, dahil may ugnayan tayo sa Panginoon at may kinakapitan tayo.

Panalangin:

Panginoon, alisin mo po ang anumang nakakahadlang na gawin kitang priority ng aking buhay. Sana po ako at ang aking pamilya ay unahin kayo sa aming buhay. Huwag mo pong itulot na malimutan ka namin dahil sa dami ng aming pinagkakaabalahan. Bagkus ilagay namin sa iyong mga kamay ang lahat ng aming isipin at gawain. Amen.