Ebanghelyo: LUCAS 11,1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papaanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Clemence Mallete ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
“Panginoon, turuan mo kaming manalangin,” ito ang sinabi ng isang alagad matapos niyang matunghayan ang pagdarasal ni Hesus. Nakita ko sa salitang ito ng disipulo ang pagpapahalaga sa tunay na pagdarasal. Ang pagnanais na magkaroon ng malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pagdarasal. Kapanalig, sana, magkaroon din tayo ng ganitong pagnanais – ang malalim na pagpapahalaga sa pagdarasal. Bakit nga ba mahalaga ang pagdarasal? Sa katunayan, ano nga ba ang dasal o panalangin? Ang panalangin ay ang ating personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kaya, siguro nakapagsabi ang disipulo ni Hesus na turuan silang manalangin, sapagkat nakita niya ang malalim na ugnayan ni Hesus sa Diyos Ama. Mahalaga ang panalangin sa maayos na pamumuhay. Kung importante ang pagdarasal kay Hesus at sa kanyang mga disipulo, di ba dapat maging mahalaga din ito sa atin? Ang panalangin ay pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa mga pagkakataon na wala tayong masabi sa Diyos, gabayan nawa tayo ng tinatawag na Five Finger Prayer: Sa hinlalaki – simulan ang pagdarasal para sa mga taong malapit sa iyo, pamilya at kaibigan; sa hintuturo – ipagdasal ang mga nagtuturo, at nagpapagaling sa inyo, guro, doctors at mga pari; sa gitnang daliri – ipagdasal ang mga nasa autoridad at mga nasa gobyerno; sa palasinsingan – ipagdasal ang mga mahihina, mahihirap at mga may sakit; sa hinliliit – manalangin para sa iyong sarili at mga sariling pangangailangan.
Panalangin:
Panginoong mahabagin at mapagmahal, maraming salamat po sa pagpapadala mo ng iyong anak na si Hesus sa amin. Patawarin mo po kami sa aming mga pagkakamali, at tulungan nyo rin po kaming magpatawad sa mga taong nagkamali sa amin. Nawa’y masunod namin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan nyo po kami ng aming mga pangangailangan sa araw-araw at gamitin nyo din po kaming instrumento na magbahagi ng mabuting balita sa iba. Huwag mo po kaming ipahintulot sa tukso at iadya mo kami sa lahat ng masama. Ito ay hinihiling namin kay Hesus, na aming Panginoon. Amen.