Daughters of Saint Paul

Oktubre 10, 2024 – Huwebes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Lucas 11,5-13

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo s’ya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo upang bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man s’ya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin s’ya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa iyong pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihiling nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay n’ya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”

Pagninilay:

Nagtanong si Brother Leo kay St. Francis of Assisi. Ano ba ang tunay na kagalakan? Sumagot si St. Francis: Putikan ka at walang masilungan, nakakita ka ng bahay at nakiusap kang sumilong—pero ayaw kang patuluyin. Nagpumilit ka, pero minura ka pa at itinaboy. Nagmakaawa, pero hindi pa rin tinanggap. Kung malampasan mo ito—at nanatili kang mapagkumbaba at pasensyoso—yan ang tunay na kagalakan! Magkahalintulad ang ating Mabuting Balita at ang maikling istorya ni San Francisco—manatiling mapagpakumbaba lalo’t higit sa oras ng pangangailangan. Madalas kasi, ang turo ng mundo—makukuha mo ang lahat—basta may sindak, yabang, talim. Ngayong araw, ipinakikita sa atin ng Diyos, na naniniwala siya sa kabutihan ng bawat isa—kung matututo lamang tayong huminahon, kilalanin, at may pagpapakumbabang isangguni at sabihin ang ating mga pangangailangan. Tingnan po ninyo ASK—and you shall receive. SEEK—and you shall find. KNOCK—and the door shall be opened. Bahasin man natin ang acronym—ASK pa din. Mga kapanalig, si Hesus naman ay Diyos na hindi lumilimot sa mga pangangailangan natin. Hindi man natin maintindihan minsan ang kanyang sagot, o tila ba hindi siya nakikinig—mahalaga nang pumanatag tayo at patuloy na kumapit, dahil kanino pa ba tayo lalapit, dahil anuman ang maging kahihinatnan, sa Diyos laging may kabuluhan.