Ebanghelyo: Lucas 11,37-41
Matapos magsalita si Hesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan subalit nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang may gawa ng labas ang siya ring may gawa ng loob? Ngunit naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”
Pagninilay:
Nakakatawa ang nangyari sa Mabuting Balita ngayon. Imagine, inanyayahan si Jesus ng isang Pariseong kumain sa bahay niya. Siempre nagpaunlak naman si Jesus. Aba, itong si Pariseo na shock dahil hindi naghugas ng kamay si Jesus bago kumain. Big deal talaga ang paghugas ng kamay! Walang sinabi si San Lukas kung ni-remind ba ng Pariseo si Jesus na maghugas ng kamay o nabatid ni Jesus ang iniisip ng Pariseo. Sinabi ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo’y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba’t ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.” Panghuhusga. Simula pa sa pagkabata memorized na natin ang, “Don’t judge a book by its cover,” ngunit kadalasan ginagawa pa rin natin ang manghusga. Samakatuwid, kabilang tayo sa mga tinatawag ni Jesus na “mga hangal.” Hindi naintindihan at hinusgahan din nang todo si Santa Teresa dahil sa mga pagbabago o repormang sinimulan niya sa mga Carmelite monasteries. Walang humpay na panalangin at pakikinig sa Diyos ang naging lakas niya sa pagharap sa lahat ng pagsubok. Si Santa Teresa ng Ávila ay kaibigan ni Jesus, tagapagtatatag ng Discalced Carmelites at kauna-unahan sa apat na babaeng naging pantas ng Simbahan. May-akda siya ng kilalang spiritual books, tulad ng The Interior Castle, The Way of Perfection at iba pa. Simula noon at hanggang ngayon, naging inspirasyon ko na itong mga katagang isinulat ni Santa Teresa:
Huwag ipahintulot na sa iyo’y may gumambala;
huwag matakot o mabahala, ang lahat ng bagay ay lumilipas;
ngunit ang Diyos ay laging mananatili;
sa pagtitiyaga at pagtitiis ang lahat ay makakamit.
Siyang kalooban ng Diyos kailanma’y ‘di sasala
sapagkat sa Diyos ay wala nang nanaisin pang iba. Amen.
Nawa, katulad ni Santa Teresa, ay huwag nating aksayahin ang ating oras sa paghusga sa ating kapwa at pagpapaapekto sa mga nanghuhusga sa atin. Pag-ibayuhin pa natin ang ating buhay panalangin. Manalig. Magpakabuti. Sa Diyos wala nang nanaisin pang iba.