Daughters of Saint Paul

Oktubre 16, 2024 – Miyerkules ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay Santa Eduvigis (Heidi), namanata sa Diyos | Paggunita kay Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga

Ebanghelyo:  Lucas 11,42-46

Sinabi ni Hesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayo mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Hesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabigat na pasanin, at hindi man lang ninyo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”

Pagninilay:

Bakit ba tila laging hindi magkasundo ang ating Panginoong Hesus at ang mga Pariseo? Simple lang—marami sa kanila ay peke. Wala namang nilikha na hindi minamahal ng Diyos. Laging gusto niya ang mapabuti tayo. Sa katunayan po, si St. Paul ay isang Pariseo (Gawa 23:6). Pero, matapos niyang matagpuan si Hesus—nagbago ang kanyang pananaw. Hindi lamang batas ang Diyos. Hindi lamang siya listahan ng mga puwede at hindi puwedeng gawin. Siya’y Diyos na nakikipagkaibigan, inuunat ang kamay, naghahandog ng awa’t pag-ibig para sa atin. Ito marahil ang nakalimutan ng mga Pariseo kaya sila napagsabihan ng ating Panginoong Hesus. Nakalimutan nilang higit ang Diyos kesa sa mga batas at alituntunin na sila rin mismo ang nagtalaga. Kaya nga’t kung natulad sila kay San Pablo na mas tiningnan ang kahalagahan ng Ebanghelyo kaysa sa mga panlabas na ritwal at kautusan—tiyak na magiging masigasig na tagapagpahayag din sila ng Mabuting Balita ng Diyos. Ngayong araw dumalangin tayo sa Diyos upang tulutan niya tayo ng grasya ng pagsunod sa kanyang dakilang kalooban. Hindi sa pamamagitan ng takot, dahas, o anumang panlabas na ritwal at nakagawian—kundi sa pamamagitan ng isang pusong tunay na nagmamahal, upang maakay din natin ang ating kapwa sa kabanalan at pagkilala sa ating Panginoong Hesus. Amen.