Ebanghelyo: Lucas 11,47-54
Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. At sinabi rin ng karunungan ng Diyos: “Nagsugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Hesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
Pagninilay:
“Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
Sa Ebanghelyo ngayon, pinuna o pinulaan ng ating Panginoong Jesus ang mga dalubhasa sa kautusan. Sabi ni Pope Francis, maitutulad natin ang mga salitang ito ni Jesus sa “simbahang sarado.” Hindi makapasok ang dumaraan, at hindi pa nga raw makalabas ang ating Panginoon na nasa loob. At itinulad naman ng Santo Papa ang mga dalubhasa sa batas na may hawak ng susi. Pero dinala nila ito sa kanilang pag-alis o hawak nila ang susi, at ayaw nilang magpapasok. Pinag-aralan sana ng mga dalubhasang ito na magkaroon ng malalim na kaalaman sa katotohanan ng Diyos, at ng mga ipinahayag ni Jesus. Iba ang kanilang ginagawa. Hinahadlangan nila na mapalapit ang tao sa ating Panginoon na mapagmahal at maamo. Nangyayari din ito sa atin. Kung minsan tayo ang dahilan na mahadlangan ang iba na makalapit sa Diyos. Lalo na kung kulang tayo sa dasal. Ito ang nakapagsasara sa ating puso. May awiting ganito: “Prayer is the key to heaven, but faith unlocks the door”. Sinasabihan tayo ni Jesus at gayon din ni Pope Francis na huwag manghinawa sa pagdarasal. Be persistent. Nang sa gayon, ang ating pananampalataya ay mananatili, lalalim, magiging humble tayo at hindi natin isasara ang daan patungo sa Panginoon. Ating dasalin ang dasal ni Blessed James Alberione: Jesus Master, sanctify my mind and increase my faith. Jesus, teaching in the Church, draw everyone to your school. Jesus Truth, may I be light for the world. Jesus Way, may I be example and model for souls. Jesus Life, may my presence bring grace and consolation everywhere.