Ebanghelyo: Lucas 10,1-9
Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin niyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga mangagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag niyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. At kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: “Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”
Pagninilay:
“Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa.” Hindi lang ito totoo noon, kasi ganito pa rin po ang kalagayan ng ating Inang Simbahan. Kakaunti ang mga pari, madre, at relihiyoso na naglilingkod sa bayan ng Diyos. At nakakalungkot po na marami sa mga mananampalataya, sa ating mga binyagan, ang hindi gumaganap sa ating misyon bilang mga Kristiyano. Sabi po ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon. Una, kailangan nating idalangin sa panginoon ng ani, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Nagdarasal ka ba para dumami ang mga pari, mga madre, at mga relihiyoso? Hinihikayat mo ba ang iyong mga anak o mga kabataang kilala mo na maglingkod sa Panginoon? O baka naman ikaw pa ang nagiging sagabal sa kanilang pagtugon sa tawag niya? Ang ikalawang habilin ay: “Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayo.” Para ano? Para ikalat ang Mabuting Balita. Oo, kapatid/kapanalig. Kasama ka na isinusugo ng Panginoon bilang misyonero o misyonera. Kailangan nating makisangkot at tumulong, ialay ang ating kakayahan, talento at panahon upang maglingkod sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya. Noong nakaraang buwan nasa headline na 2.38 million po ang mga Pilipinong walang trabaho. Hindi ba kabalintunaan na sa Simbahan ay kulang ang manggagawa? Baka naman tinatawag ka upang maglingkod, pero natatakot ka o ayaw mo lang. Kapatid/kapanalig, hindi kailangan ang kakaibang skill o katangian upang maglingkod sa Diyos. Kahit sino ka pa at anuman ang iyong kakayahan, may maibabahagi ka. Ang hinihingi niya lang ay isang pusong nagmamahal at handang sumunod sa kanya. Tulad ni San Lucas na isang duktor – sa pamamagitan ng Ebanghelyong isinulat niya ay mas nakilala natin ang Panginoong Hesus. Kaya, halika na. Sama-sama tayong maglingkod. Let us tell the world of God’s love!