Ebanghelyo: Mc 10:35-45
Lumapit kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” “Ano ang gusto n’yong gawin ko?” “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” “Talagang hindi n’yo alam kung ano ang hinihingi n’yo. Maiinom n’yo ba ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang maging ganito sa inyo: ang gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo; ang gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay:
Katatapos lang noong nakaraang buwan ng Bar Exam, isang pagsusulit na kailangang ipasa ng isang law student upang maging ganap siyang abogado. Inaabangan ng marami ang paglabas ng resulta kung sino ang nag top at saang paaralan siya galing. Tunay ngang malaking karangalan ang manguna sa exam at magbigay karangalan sa isang institusyon. Ganundin ang manguna sa ibang aspeto ng buhay – edukasyon, sports, beauty contests. Natutuwa tayo kapag tayo ang nasa taas, dahil mas may mababa sa atin. Masaya tayo kapag nangunguna tayo dahil mayroong mga taong nasa hulihan natin. Nais maging dakila ng magkapatid na Santiago at Juan sa ating Mabuting Balita ngayon. At upang dakilain sila kailangan nilang umupo sa tabi ni Hesus sa kanyang kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa. Para kina Santiago at Juan ito ang batayan ng pagiging dakila. Kaya itinama sila ni Hesus: ”Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi.” Sa bandang huli sinabi ni Hesus: ”….At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.” Sa madaling salita, ang pagiging dakila sa mata ng ating Panginoong Hesuskristo ay ang magsilbi. Hindi naman masamang mangarap na maging number one tayo o kaya mag top sa mga exams o sa anumang larangan ng buhay. Sa katunayan, maganda ito dahil pinapakita natin na nagsusumikap tayo. Ang tagumpay natin ay bunga ng ating mga pagsusumikap at mga sakripisyo. Ngunit huwag nating kalimutan sa tuwing inaangat tayo ng Diyos, mas lalo tayong maging mapagpakumbaba, mas lalo tayong maglingkod sa kapwa. Sa pamamagitan ng pagsisilbi, pinahihintulutan natin ang awa at habag ng Diyos na dumaloy sa ating buhay para sa mga taong nangangailangan nito. Gusto mo bang maging dakila? Maging dakila ka hindi ayon sa batayan ng mundo kung saan ikaw ang pinagsisilbihan. Maging dakila tayo ayon sa mata ng Diyos sa pagsisilbi natin sa ating kapwa.