Ebanghelyo: LUCAS 14,15-24
Sinabi kay Hesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”
Pagninilay:
May mga salitang palaging ginagamit ngayon na halos hindi natin narinig sa nakalipas na sampung taon. Tulad ng, “stress, toxic, nega, burnout, at iba pa. Ano ang nag-uugnay sa mga salitang ito? Madalas itong marinig sa mga taong napapagod, nanghihina, naguguluhan, o gusto nang sumuko sa buhay.
Marami ang humanga sa napakagandang pelikula tungkol sa buhay ni Padre Pio na ipinalabas noong 2022. Ngunit mas marami ang namangha kay Shia LaBeouf (shai·uh luh·buhf) na gumanap na Padre Pio sa pelikula. Dahil pagkatapos ng shooting ay naging Katoliko siya sa tulong ng mga Capuchin Franciscan friars.
Kapanalig, patuloy ang paanyaya sa atin ng Panginoon araw-araw. Anuman ang sitwasyon, pinagdadaanan o pinagkakaabalahan natin. Inaanyayahan niya tayong lumapit sa Kanya. Favorite nating sabihin, “busy kasi ako, o sobrang busy ko ngayon eh.” May panahon pa ba tayong bigyang-pansin ang paanyaya ni Hesus? Oo nga’t nagsisimba tayo tuwing Linggo, at nagno-nobena pa nga sa Ina ng Laging Saklolo tuwing Miyerkules. Pero, hinahayaan ba nating mangusap sa atin ang Panginoon? Pinapakinggan ba natin siya? Sapat na ba ang pagsisimba at pagno-nobena?
Sabi nga sa isang awit, “Wika Niya’y, ‘Halina, lumapit sa Akin, kayong mga napapagal, Aking pagiginhawain. Bigat ng inyong pasanin ay Aking pagagaanin. Halina kaibigan, lumapit sa Akin.’”
Hindi nag-aksaya ng panahon, nakinig at tumugon si Shia LaBeouf sa paanyaya ng Panginoon sa kanya. Kapanalig, nakikinig ka ba? Handa ka bang tumugon?